Kapitana ang katawagan kay Sela dahil ang tinig nya ay makapangyarihan sa kanyang pamilya. Ano man ang sabihin niya ay susundin ng kanyang pamilya. Malaki din naman ang kanyang pamilya na nagmula pa sa Masbate at Zamboanga, kung kaya*t malaki din ang magagawa nila sa aming community kapag sila ay nagkaisa. (Di ko kasi maalala ang Filipino translation ng *community* kaya *barangay* na lang. he he he.
Sa aming community ng mga katutubong badjao ay makapangyarihan ang tinig ng kababaihan na pilit namang binabago ng pagtuturo ng Salita ng Dios dahil dapat na mas makapangyarihan ang tinig ng mga kalalakihan lalo sa tahanan. Ang mga kalalakihan ay mababait na asawa.Marunong ng mga gawaing bahay, samantalang ang mga babae ay hindi. Palibhasa ang babae ay nabibili ng dowry para mapangasawa ng isang lalaki kung kaya*t hindi na inuutasan pa ng mga lalaki na magtrabaho sa bahay ang mga babae. Dito, perfect full time housewives ang mga babae! Grabe! Madami na ding mga babae ang nagsisipagbago ng istilo ng pakikitungo sa kanilang mga asawa, iyan ay dahil sa pagtuturo ng Salita ng Dios. Pagtuturong tumagal ng 10 taon sa kabagalan!
Iba ang level ng pang unawa nila. Kailangang napaka tiyaga at napaka mahinahon ng tagapag turo. Mararil ito ay dahilan sa kanilang nakagawiang nutrisyon at level ng interest na matuto. Salamat sa Dios at sa loob ng 10 taong pananalangin at pagtitiyaga ng aking mga magulang ay mayroon na kaming 18 nag-aaral na batang Badjao sa elementrya, 2 sa kolehiyo at 4 sa sekondarya. Salamat sa mga walang kasawa-sawang tumutulong sa amin. Bagama*t ang kanilang kultura ay nananatili pa din, marami na ding maling kaugalian ang kanilang inalis tulad ng pagsamba sa spirit ng kanilang namatay na ninuno, ang pag-aasawa sa mga kadugo upang hindi maibahagi sa iba ang yaman ng pamilya., gayundin ang maling paniniwala tungkol sa dilim, paliligo at paglilinis, panganganak at marami pang iba.
Malong ang aming kasuotan dito sa community. Ang pagsusuot ng malong ang pinaka gusto ko dito. Ang mga dalaga ay di dapat naglalabas ng mga bahagi ng katawan tulad ng pusod, kilikili, hita at dibdib o magdamit man ng halos makikita na ang mga ito. Pinangangalagaan ang mga dalaga sapagkat may halagang katumbas sila sa pag aasawa. Hindi rin katanggap-tanggap ang maikling buhok sa mga babae, na parang sa lalaki. Hindi rin pinahihintulutan na lumakad ang isang dalaga na may kasabay na lalaki maliban sa kapatid at ama.
Masayahin ang mga badjao. Mahilig silang kumanta lalo na ang pagsayaw. Napasabak agad ako sa pagsayaw ng bago pa lang ako dito. Ang pagsayaw ay tanda ng pagtanggap ng isang dayuhan sa kanilang kultura. Tuwing may baysanan o disperas ng kasal, ang sayawan ay tumatagal ng 3 araw, 24/7! Nakaka enjoy at makahulugan ang bawat step pati ang galaw ng mga kamay at balikat. Ang igal o sayaw ng badjao ay sinasayaw ng walang kangiti-ngiti, tipikal sa lahat ng sayaw muslim. Pangalawa sa malong, ang sayaw na igal ang excited kong inaasam-asam kapag may okasyon at mga bisita.
Akala ng kanilang mga kapwa kapatid na Muslim ay walang kwenta ang mga badjao, kung kaya*t itinatakwil nila ang tribong ito mula sa listahan ng mga tribo sa Mindanao. Kung tutuusin, ang mga badjao ang gumagawa at gumagamit ng vinta dahil sila ang tribong nakatira sa tubig! Sinasabi ng mga Muslim na singaw lang ang mga badjao! Hindi, may sarili silang kultura na pinapa salin-salin nila sa mga henerasyon sa pamamagitan ng awit, at maliit pa ang mga bata ay tinuturuan na ng kanilang katutubong sayaw.
Ang mga pagbabago sa tribong badjao sa aming community ay likha ng pagkatuto ng Salita ng Dios- ang Kitab Injil.
Sa aking palagay, ito ang tribong aking itinuturing na pamilya, bagama*t nalalaman ko na hindi lamang ang tribong ito ang aking makakasalamuha at matuturuan tulad ng aking mga magulang. The best na dito ang skyflakes at coke, ang pancit at fried chicken ay pagkain ng mayaman. Maleta ang cabinet at vault ng mag-anak. Ang sindol ay ginatan sa Katagalugan, at ang panggi ay wedding cake na maraming maliliit na flags. Prinsesa ang tawag ng matatanda sa akin dahil ako ay maputi at laging nakangiti. Teacherli naman sa mga kabataan at bata dahil ako*y guro sa kanila. Mataas ang pananampalataya sa Dios o Tuhan at hindi basta-basta ang pagsasalita ang *alasa kitam* (i love you). Ang pagtataksil sa asawa ay isang napakabigat na pagkakamali, kung kaya*t di uso ang womanizers! yeah!!
Sa aking pagtanda at kung sakaling ako ay mawala, tiyak na nasa kanila ako. Simple lang ang buhay, walang mga pabalat o status quo.Sariwa ang hangin, malapit sa langit ang lugar, kitang-kita mo ang mga bituin at mga planetang nagkukunwaring bituin.Ang salapi ay isa lamang issue para tugunan ang pang araw-araw na kailangan ng pamilya.. tapos!
Sinulat ko ito upang magbigay sagot sa tanong na madalas kong ma encounter- ano ba ang mga yan? Ay sus, tao din tulad mo at tulad ko. Di lang sila maarteng tulad natin. ha ha ha!
Parang napaka seryoso ng aking mga salita… Nakakapanibago
Ay sige, magluluto pa ako…
No comments:
Post a Comment