Tuesday, July 30, 2013

Larawan

Ang post na ito ay hindi pang aliw , kundi pagpapahayag ng isang damdamin sa pamamagitan ng mga larawang ako mismo ang kumuha, maliban lamang sa ilang bulaklak na sa palagay ko ay wala dito sa Pilipinas kung kaya hinanap ko sila sa google.

Ano mang damdamin ang iyong mabasa sa bawat larawan ay aking pinahahalagahan.... ngunit ako ay may sadyang nais sabihin at ang bawat isa ay naglalaman ng aking isip at pusong inaamag. Sa bawat larawan ay aral, tula at prosa.



Sa dami ng karanasan sa panganib, kamatayan at marami pang iba.... tinakasan na yata ako ng takot sa buhay.
Nakita kong maganda ang buhay...makulay ...kahit puno ng mga bagay na hindi mo inaasahan. Ang picture na ito ay kinuha ko habang nakasakay kami ni Olet sa motor niya na bumabagtas sa kahabaan ng Novaliches... gabi, wala kaming helmet. Galing kami sa isang aerobics class . Pinilit niya akong tingnan na maari pa akong mabuhay ng gaya ng dati sa kabila ng aking mga limitasyon.
  

Maraming umaga ang sumisikat sa buhay ng tao...kasing dami din ng mga sunsets.

Excited akong gumising bawat araw kahit alam kong maaring hindi na ako magising.  Hindi rin ako takot na hindi na magising pagsapit ng isang umaga dahil sa palagay ko nagawa ko na ang mga dapat kong gawin sa buhay. Walang mangangapa sa dilim kapag ako ay nawala ...si Cha at si Pat ay may sarili nang mga buhay at naihanda ko sila doon.

Pero dumating ka isang araw.... nagkaroon ako ng dahilan para pigilin ang aking paglisan at ipagpatuloy ang saya ng buhay..... bawat araw nadagdagan ng kulay..... makulay na dati pero nadagdagan ulit.


Sa bawat kapangitan ay may kagandahan.
Kahit anong hirap at pangit pa ng mga pangyayari sa buhay o sa isang tao...tiyak na may natatago itong kagandahan na isang araw ay makikita mo rin.

Hindi mahirap mahalin ang isang taong may mabuting kalooban kahit pa nga mayroon siyang kapangitan. Kayang talunin ng pagmamahal ang pangit na itsura ng isang tao, ngunit kayang talunin ng pangit na ugali ang pagmamahal. Napakadakila ng pag-ibig na kayang yumakap sa isang taong may napakasamang ugali...sad to say, God lang ang may ganung kakayahan.Ahayy

 Ang cactus na yan ay makikita sa likod ng aming bakuran...sa may tambakan ng basura.


Ang buhay ay isang paglalakbay. Pagkahaba-haba man ng iyong paglalakbay, sa bandang huli uuwi ka din sa mga tao at bagay na magpapasaya sa iyo...mga bagay na hindi mo na iintindihin kung ano ang sasabihin ng ibang tao... mga bagay na matagal mong isinaisantabi dahil mas isinaalang-alang mo ang kapakanan ng nakararami.

ito ay kuha sa Sarangani.





Bangkang Badjao sa Sarangani Bay, Aug.2013
 
     Ang tao ay parang dagat. Tayong dalawa ay ganun din. Mahirap basahin ang bawat sinasabi. Mahirap din basahin ang bawat ikinikilos. Mahirap tukuyin ang eksaktong iniisip....ngunit may isang bagay na hindi maaring maitago , gaya din ng dagat ........... ang damdamin.

      Ang damahin ka ang tanging paraan upang aking maintindihan ang tanging lengwaheng alam mo--- ang manahimik.

   
   
Bawing roadside, GenSan City, Aug.2013


Hindi ko sukat akalaing may hanging iihip sa aking buhay.  Walang bagay na nagdaan ang aking pinagsisihan...lahat ay aking ipinagpasalamat at tinanggap. Natutunan kong sa ganitong paraan ay mas magaang dumadaloy ang buhay... kaya kahit sa kabila ng aking mga limitasyon naging masaya ang lahat ng araw.

Tulad mo'y hangin, nasa aking paligid. Hindi ko nakikita ngunit nadarama ang pagmamahal mong ako lang at ikaw ang nakakaalam.






Mariposa ka ba o ano? 


Nakita ko ang di ko mawaring butterfly na eto sa kisame ng aming bahay. Paano nakapasok ang butterfly na ito samantalang naka screen ang buong bahay pati pintuan? Palaisipan 'yan sa amin ni Emman..na hindi naman naging isang kababalaghan sa aking tatay. Ngunit kami ni Emman ay nagtataka...marahil sa kasimplehan ng aming kaisipan , ito ay isang misteryo.

 "Dumaan sa pinto." sabi ng aking ina.

Minsan may mga bagay na dumarating na akala natin ay bago o kakaiba, ngunit hindi pala. Nagdaan na pala ang mag iyon sa ating buhay sa ibang anyo at ibang paraan nang hindi natin namamalayan dahil masyadong tayong abala.

Mahirap matutunan ang ga aral sa buhay kung gagamitan natin lagi ng talino.... minsan kailangan lang nating maging simple at okay na ang lahat.


peachbloom, surinam


"Sabi mo ay mahal mo ako. At iyon ay inasahan ko... Balang araw ikaw ay aking mamasdan. Ayy ano kaya ang aking gagawin? Ako ba'y mahihiya o sasayaw? Ngunit isang sigurado ikaw ay aking yayakapin at sasabihing, "sana noon ka pa dumating."



Laguna Lake coutesy of Alejandro Trajano
        "Ang pagmamahal ko sa iyo ay parang sunset..... laging may sunrise. "  Madami man tayong hindi pagkakaintindihan ...mas marami naman ang ating mga magagandang pinagsamahan. Sa bandang huli ay unawaan na lamang at pagpapatawaran..kasi nagmamahal. "



Forbidden Land, Wings of Destiny,RPG

Ang buhay ay isa ring game at war. Madalas, sa ating paghahanap sa buhay, hindi maiiwasang tayo ay nasasaktan o nawawalan.


"Kasama mo ako kahit saang sitwasyon pa ng buhay .hindi kita iiwan.....kung papayagan mo ako. "






"ligaw" near Batangas Bay


Ang pag-ibig ay parang damo. Kahit saan maaring tumubo. Parang tayo lang..."


Ang magmahal ay isang pagpili. Dahil ito ay isang pagpili, di maiiwasan na nagkakamali...pero dahil nagmamahal ka... nagtitiis ka, dahil ang pag-ibig ay mapagtiis."

hanep!











bongavilea,

Sabi mo dapat akong mabuhay kahit ipalit na lang ay ang buhay mo. Kung dumating lang agad ako noon, sabi mo, di sin sana ipinagamot mo ako sa ibang bansa." Pero nahuli ako...dekada ang pagkahuli ko ng dating.

Sabi mo, hindi ako aalis hangga't hindi mo sinasabi. darating ka pa sabi mo.."

ang saya!  


Pag-asa. 

Buhay.




Ngunit isang umaga, ako ay nagising.
Ayoko nang lumaban sa buhay.
Ayoko nang gumising.
Nasaan ang dating kulay,
Bakit naging dilim?
Napapagod na ako,
nais ko nang umuwi
Sa bahay ng aking Ama sa langit.
Doon, wala nang hapis.







Linlin & Bebzki, Forrester City, Wings of Destiny RPG

Malabo na ang aking paningin,
Hindi na umaasa
Hindi na naghihintay,
Ng kahit anong umaga pang darating.
Nabubuhay na lamnag
Sa kung anong mayroon...

Hindi na rin ako nangangarap,
Hindi na rin nag-iisip.
Mamahalin na lamang kita
Hanggang sa hindi ko na paggising."






Sabi nila, mabuhay ka para sa mga minamahal mo at nagmamahal sa iyo.  



Siguro this time,  I will be home before dark.






No comments:

Post a Comment