Mag-umpisa ang parang walang katapusang kapaguran nang Huwebes ng gabi. Dumating ang mga mag mi mission exposure sa aming tribo sa loob ng 2 1/2 araw. Gusto nilang maranasan kung paano ang mamuhay at makisalamuha sa mga tribo. Kagagaling lang daw nila sa tribo ng mgaMangyan sa Mindoro, at pagkatapos sa tribo ng mga Badjao, dito sa amin. Ano ang kaibahan ng mga Mangyan sa mga Badjao na lahing Muslim? Malaki. Pero may pagkakapareho din sa ilang mga bagay.
Halos alas dose na ng hatinggabi nang magsidating ang mga mag-eexposure sa aming lugar. Puyatan ang nangyari at sa pakiwari ko, panay puyatan ang mga susunod na gabi! Dapat laging mayroong kape.
Excited ang buong tribo! Palibhasa’y sabik silang makasalamuha ng ibang lahi. Gustong-gusto nilang makakwentuhan ang mga bagong dating. Ngunit sa pagod marahil, mas minabuti ng nakararami sa mga panauhin ang magpahinga. Ngunit bakas mo sa mukha ng bawat isang Badjao ang saya. Ganyan sila pag may bisita kaming mga dayuhan.
Biyernes ng halos hatinggabi na rin nang dumating ang iba pang kasamahan ng mga bisita namin mula sa Maynila. Matapos ko silang ipahatid sa bahay na kanilang tutulugan, at matapos din ang maikling briefing sa mga naunang mga bisita para sa kanilang pag-stay sa aming lugar at sa gagawing pagpunta sa kabilang tribong mas malaki at mas malawak kaysa sa amin sa kinabukasan, naramdaman ko nang parang tinakasan na ako ng antok at pagod. Gising na gising ang buong katauhan ko.
Wala namang ginawa ang mga bisita sa amin nang kanilang unang araw. Ngunit may sumunod pang grupo ng mga bisitang dumating. Nagbigay sila ng mga regalo at nagprogram ng “Everybody’s Birthday” : birthday ng lahat ng tao sa amin! May cake, may ice cream, puppet show, gifts at mga games! Sandamakmak pa ang picture takings! Birthday celebration talaga! Daig ang birthday ko! Pati ako masaya, kasing dalang yata ng patak ng ulan ang pagdalaw ng cake at ice cream sa amin!
Sabado ng hapon pumunta kami sa kabilang tribo ng mga Badjao na mas malaki at malawak sa amin, kasama ang mga naunang dumating na bisita. Namigay din sila ng mga regalo sa mga batang Badjao at nagpuppet show. Kaiba ang mga tao sa bandang ito… marumi at mabaho ang paligid, di naliligo ang mga tao, marurumi ang mga bata, hindi uso ang tsinelas, malnourish at hindi nag-aaral ang mga bata. Ni hindi nila alam ang tunay nilang mga pangalan, birthday at tunay na pangalan ng kanilang mga magulang! At hindi rin nila alam kung ano ang tama sa mali, ang mabuti sa masama. Ang alam ng mga tao dito, nabubuhay lang sila at kailangang mabuhay! Dito ako nagtuturo ng literacy tuwing Sabado ng hapon, nang walang sweldo. Gustong makita ng mga bisita naming dayuhan ang mga batang Badjao na tinuturuan ko sa lugar na ito. Natutuwa ako dahil tumanggap ng mga regalo ang mga batang tinuturuan ko ngunit nalungkot din ako dahil napansin kong ang iba sa aming mga bisita ay hindi man lang makalapit sa mga nanlilimahid na mga bata! Di ko alam kung pagod lang sila o sadyang nandidiri sila. Ngunit nakadama ako ng kaunting inis ng malaman kong naramdaman pala ng mga batang tinuturuan ko na ayaw sa kanila ng mga bisita.
Nagkaroon ng sayawan sa aming community nang bumalik kami. Hiniling ng mga bisita na magsayawan ng igal at dito ko nilunod ang di magandang damadaming naranasan ko sa kabilang tribo kasama ang mga dayuhang bisita namin. Hayy kapagod! Sa wakas, napagod din ako! Ang mga kasama kong mga Badjao na mga estudyante ko ay naiiyak na sa pagod, dahil panay sila at ako ang gawa ng gawa mula pa ng Huwebes ng hapon. Salamat sa Vita plus na yaring pinagsama-samang malunggay, dahon ng sili, kulitis, kamote at isa pang nalimutan ko ang pangalan; na ginawang juice, as in dalandan flavor yata ang nadala ko sa bag ko ang nagrevive ng aming lakas! Tamang husay talaga ang juice na ito! Gumaling nga ang asthma ko sa kaiinom ng juice na ito!
Iba ang community ng mga badjao dito sa amin, na tinutuluyan ko: malinis, naliligo ang mga tao, nag-aaral ang mga bata pati mga magulang, magagalang at matatapat ang mga tao. Yun nga lamang, talagang salat sa kagandahan ang mga bahay! Sus, e bahay ng badjao- apat ang poste, di uso ang foundation. Nakapatong lang ang bahay sa apat na poste! Pero di nagigiba ng bagyo. Amazing! Ung bahay ko nga, parang leaning tower of Piza, pero dumaan na ang napakaraming super typhoon, leaning pa din ang bahay ko, pero wala ni isang scratch! Naramdaman din pala ng mga kasama ko na may ilan sa aming mga bisita ang ayaw sa mga Badjao, napipilitan lang!
Ganito na lang ang nasabi ko: Talagang ganito ang buhay. Iba-iba ang mga tao. Iba-iba din ang kanilang mga gusto! Ngunit wa epek sa mga tao ang pilosopiyang sinabi ko! Nasisi pa tuloy ako bakit si ganun at si ganito ay sa kanilang bahay ko pinatuloy. Ngunit pinagpilitan ko pa din ang wa epek na pilosopiyang ginamit ko, hanggang sa napagbuntunan ko ang blog na ito upang sabihing:
Ganito ang buhay at itsura ng mga tribo sa Pilipinas at kahit sa ibang bansa: marurumi at mababaho, malnourish ang mga tao, illiterate at walang pagkaalam ng tama at mali. Ngunit alalahanin ng bawat sibilisadong tao na noong unang panahon, ang kanilang mga ninuno ay mga taong tribo na nabiyaan lamang ng pag-unlad sa pagdagsa ng mga rebolusyon at panahon. Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit tatlong libong mga tribo kabilang ang mga Tagalog, Bisaya, Ilocano, Ifugao, Bicolano, Muslim at iba pa. Nagkataon lang na nagkaroon tayo ng pag-unlad at edukasyon, nahaluan ng banyagang lahi kaya pumuti at kuminis, nagkaroon ng pera kaya bumango at gumanda, ngunit ayon sa mga aklat, kabilang pa din tayo sa mga tribo ng Pilipinas.
Sa tribo makikita ng isang tao ang kanyang pinagmulan. Dito masusukat ang kanyang ugali at pagkatao sa pagtuloy sa tribo. Simple lang ang buhay dito hindi kumplekado tulad sa city. Ngnit masaya ang simpleng buhay. Mayaman ang kultura ng mga tribo. Marangal ang kanilang mga kaugalian. Matibay ang pagsasamahan.
Hindi ako Badjao, ako’y Tagalog. Purong Bulakenya. Tatlong taon na akong nagtuturo at nagte train ng mga Badjao. Makinis ang aking balat at ako’y maputi. Sa Badjawan naranasan kong mgkaroon ng allergy sa balat at maputikan, mababad sa alikabok ang aking mga paa. Ngunit ang lahat ng hirap at kapangitang dumikit sa aking balat ay di papantay sa pagmamahal at pagtangkilik na natatanggap ko mula sa mga taong tribong ito na pinandidirihan at kinukutya ng marami. Dito ko na appreciate ang ibig sabihin ng “humanity”, ng buhay at ng kamatayan, ng pagiging mahirap at mayaman.
Maraming matututunan sa tribo na wala sa siyudad na ating ginagalawan.
Amen.
No comments:
Post a Comment